Dagupan City – Umaasa ang Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa ikatlong SONA ng pangulo na matatalakay nito ang pagtugon sa sektor ng mangingisda hinggil sa umano’y pagbagsak ng 60% ng kanilang kita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando “Andy” Hicap – Chairperson ng PAMALAKAYA, mas lumalala pa kasi ang nararanasang tensyon ngayon ng mga mangingisda sa tuwing lumalapit sila sa bahagi ng West Philippine Sea.
Aniya, mistulang mas dumarami pa ang presensya ng mga Chinese Vessel sa bahagi ng karagatan at nito lamang linggo ay dumagdag pa ang napaulat na pinakamalaking Chinese Vessel na namataan umano sa Batangas, 40km mula sa shoreline.
Kaugnay nito ay dumagdag din ang ipinatupad na fishing ban sa kanila kung kaya’t nasa tinatayang 40% na lamang ang kabuuang kita ng mga ito.
Sa kabila naman ng mababang kita, sinabi ni Hicap na mas pinipili pa rin nila na ipagpatuloy ang pakikipagsapalaran sa karagatan kahit pa inaabuso at hinaharass sila ng mga Tsino.
Samantala, sa ilalim naman ng RA 10654 amending Philippine Fisheries Code of 1998, ipinagbabawal ang panghuhuli ng mga maliliit na isda upang mas maparami pa ang produksyon nito.
Binigyan naman ni Hicap ng bagsak na grado ang pangulo dahil sa wala aniya umano itong konkretong plano sa pag-unlad at pagiging malaya ng sektor sa karagatan bagkus ay nagiging sagot lamang nito ang ayuda.