DAGUPAN CITY—Nanawagan si Fernando Hicap, Chairperson ng PAMALAKAYA, kaugnay ng patuloy na tensyon sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at China, kabilang ang usapin sa pagpapalit ng embahador ng China sa bansa. Ayon sa kanya, ang mga ganitong sigalot ay direktang tumatama sa mga mangingisda na ang tanging layunin ay makapangisda upang masuportahan ang kanilang pamilya at kabuhayan.
Binigyang-diin ni Hicap na sa tuwing tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, mas lalong nalalagay sa alanganin ang hanapbuhay ng mga mangingisda. Kung magpapatuloy aniya ang ganitong sitwasyon ay mapipilitan pa rin silang pumalaot, at maaaring humantong sa marahas na insidente at sila pa ang madamay sa gitna ng alitan.
Hindi lamang China ang tinukoy ni Hicap. Kinondena rin niya ang patuloy na pakikialam ng Estados Unidos sa usapin ng West Philippine Sea. Mula sa pananaw ng PAMALAKAYA, kapwa China at Estados Unidos ay lumalampas sa hangganan ng teritoryong pandagat ng Pilipinas. Pareho umano itong may malaking epekto sa buhay at seguridad ng mga mangingisda, kaya’t dapat parehong papanagutin at kwestiyunin sa pagpasok sa ating karagatan.
Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga senador, lalo na sa mga handang isuko ang karapatan ng bansa sa sariling karagatan. Iginiit niya na kung hindi kinikilala ang 2016 arbitral ruling, dapat dalhin ang kanilang mga pahayag sa United Nations Court of Arbitrations upang doon ito malinaw na matalakay.
Kaugnay naman ng pahayag ni Senator Rodante Marcoleta tungkol sa pagbibigay ng Kalayaan Group of Islands, mariing sinabi ni Hicap na walang sinuman ang may karapatang basta na lamang isuko ang Kalayaan. Sa halip, dapat suportahan at protektahan ang mga komunidad at pamilyang naninirahan doon. Para sa kanya, hindi dapat pagdudahan ang usaping ito dahil ang mga ganitong hakbang ay nakabatay sa mga prinsipyong nakasaad sa Konstitusyon.
Sa huli, nanawagan si Hicap ng ganap na kasarinlan ng Pilipinas mula sa dayuhang interbensyon. Aniya, ang pakikialam ng Estados Unidos sa ating karagatan ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lalo pang tumitindi ang tensyon sa China. Muli rin niyang iginiit ang demilitarisasyon ng karagatan ng Pilipinas, sapagkat para sa kanya, ang presensya ng militar ay hindi solusyon kundi isang hakbang na lalo lamang nagpapalala sa umiiral na sigalot.









