Dagupan City – Ikinabahala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS sa probinsiya, batay sa pinakabagong datos mula sa Provincial Health Office (PHO).
Ayon kay Dr. Maria Vivian Villar-Espino, Acting Provincial Health Officer, tumaas ang naitalang kaso ng HIV/AIDS mula Enero hanggang Hulyo ng 2025 kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.
Noong 2024, may 42 kaso tayong naitala, tumaas kung ikukumpara ngayong 2025 na umabot lamang sa 53 kaso.
Batay sa tala ng PHO, sumusunod ang mga naitalang kaso sa bawat bayan at lungsod sa probinsiya:
Noong 2024, naitala ang mga ito sa lungsod ng Urdaneta, San Carlos, Alaminos, at mga bayan naman ng Lingayen, Mangaldan, Malasiqui, Bayambang, Binmaley, at Calasiao.
Habang ngayong 2025 naman ay naitala ang mga ito sa lungsod ng Urdaneta, at Alaminos, at mga bayan naman ng Lingayen, Mangaldan, Malasiqui, Bayambang, Binmaley, Calasiao, at Villasis.
Bilang tugon, inilunsad ng PHO ang iba’t ibang kampanya at aktibidad upang mapataas ang kamalayan ukol sa HIV/AIDS, lalo na sa mga kabataan.
Kabilang sa mga ito ang programang “Usapang Kabataan”sa mga paaralan, BHW Trainings para sa mga Barangay Health Workers, at ang paggunita sa World AIDS Day upang maipaliwanag ang kahalagahan ng tamang impormasyon at maagang pagsusuri.
Samantala, ibinahagi naman ni Dr. Tracy Lou Bitoy, Acting Provincial Hospital Management Service Officer, na isa sa mga kinahaharap nilang hamon ay ang pagkuha ng consent para sa pagsasagawa ng HIV testing.
Patuloy na nananawagan ang pamahalaang panlalawigan sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na maging bukas sa tamang kaalaman at huwag matakot sa pagsusuri upang mapigilan ang pagkalat ng HIV/AIDS sa Pangasinan.