DAGUPAN CITY- Ibinuhos ng mga awtoridad ang lahat ng kanilang puwersa sa pamamahala ng daloy ng trapiko at seguridad ngayong tanghaling tapat, kasabay ng patuloy na pagdagsa ng mga taong bumibisita sa mga sementeryo upang gunitain ang Undas.

Ayon kay Plt. Col. Ferdinand Lopez, Chief of Police ng Calasiao PNP, inaasahan pang dadami ang mga bumibisita mula hapon hanggang gabi, partikular simula pagsapit ng alas-4 ng hapon, kung kailan inaasahang mas titindi ang agos ng mga sasakyan at tao sa paligid ng mga sementeryo.

Bilang paghahanda, nakalatag na ang lahat ng tauhan sa limang pangunahing sementeryo ng lungsod, katuwang ang lokal na pamahalaan at ang Public Order and Safety Office (POSO).

--Ads--

Naka-deploy ang mga personnel sa bawat entrada at labasan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, gayundin ang kaligtasan ng publiko habang isinasagawa ang paggunita.

Mahigpit ding ipinatutupad ang mga ipinagbabawal na dalhin sa loob ng sementeryo, kabilang ang mga deadly weapons, malalakas na sound system o loud speakers, alak, at mga gamit sa pagsusugal.

Sa kabila ng mahigpit na pagbabantay, wala pa namang naiulat na nakumpiskang ipinagbabawal na gamit sa ngayon.

Lahat ng patakaran at paalala ay naipaskil na rin sa mga social media page ng lokal na pamahalaan upang gabayan ang publiko bago pa man sila bumiyahe.

Upang maibsan ang inaasahang bigat ng trapiko ipinasara pansamantala ang ilang mga kalsada na papasok at palabas ng mga sementeryo.

Gayunman, tiniyak ng lokal na pamahalaan na may libreng sakay para sa mga mamamayan.

Isa sa mga konsehal ang nanguna sa inisyatibang ito, gamit ang anim na jeep na umiikot sa mga pangunahing ruta, dahilan upang halos wala nang maglakad nang malayo patungo sa mga sementeryo.

Dahil dito, nananatiling kontrolado ang sitwasyon sa kalsada kahit patuloy ang pagdating ng mga sasakyan at bisita.

Tuluy-tuloy ang pagmomonitor ng mga traffic enforcer, habang ang mga public assistance desk naman ay nakahanda para tumulong sa sinumang mangangailangan ng gabay o agarang tulong.

Inaasahang magpapatuloy ang pagdagsa ng mga tao hanggang gabi, kaya’t patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na magbaon ng pasensya, sumunod sa mga patakaran, at makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga lansangan ngayong Undas.