DAGUPAN CITY- Bagama’t may ginagawa ang pamahalaan upang tugunan ang iba’t ibang suliranin ng bansa, kapansin-pansin pa rin ang ilang kakulangan o gaps sa mga hakbangin nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inilahad ni Lucio Blanco Pitlo III, isang Foreign Affairs and Security Analyst, hindi maikakaila na may mga inisyatiba ang administrasyon upang resolbahin ang mga problema sa lipunan, ngunit hindi pa rin ito sapat upang masabing ganap ang epekto sa lahat ng sektor.
Aniya, isa sa mga tumatak kay Pitlo ay ang pagbibigay-diin ng Pangulo sa kahandaan ng bansa sa oras ng krisis at mga hindi inaasahang pangyayari.
Binanggit din niya na bukas ang bansa sa pagtanggap ng mga dayuhang mamumuhunan (foreign investors) upang lalong mapalago ang ekonomiya.
Isa umano itong positibong hakbang, lalo na’t kailangan ng Pilipinas ng karagdagang kapital at trabaho para sa mamamayan.
Gayunpaman, ipinunto rin ni Pitlo na mas manipis o limitado ang naging pagtutok ng kasalukuyang administrasyon sa foreign policy kung ihahambing sa mga nakaraang taon.