Intergenerational.
Ganito isinalarawan ni Michael Henry Yusingco, isang political analyst ang patuloy na panggigitgit ng China sa Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea dahil hindi lamang sa henerasyon ngayon ang apektado ngunit maaari pa itong makaapekto sa mga susunod pang henerasyon.
Mungkahi ni Yusingco na palakasin ang maritime defense capabilities ng bansang Pilipinas na responsibilidad aniya ng Kongreso.
Kinakailangan aniyang mapalakas ang ating navy at coast guard ng nang sa ganoon ay hindi tayo minamaliit ng China.
Gayunpaman, sa ganitong usapin ay nangangailangan ng tulong ng sambayanang Pilipino maging ang civil society sa pamamagitan ng pagpapakalat ng wasto at tamang impormasyon.
Hindi naman aniya itinuturing na gyera ang agawan sa teritoryo ng naturang karagatan dahil unang-una ay mayroong pinanghahawakang katotohanan ang Pilipinas na ito ang nagmamay-ari ng West Philippine Sea.
Isa pa, wala namang intensyon ang Pilipinas na magsimula ng gulo at nais lamang na ipagtanggol ang karapatan nito ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi gusto ng bansa ang magkaroon ng economic at friendly relation.