DAGUPAN CITY- Nananawagan ang Department of Environment and Natural Resources Region 1 sa publiko na makiisa ngayong araw para sa obserbasyon ng Earth Hour 2025.
Isasagawa ito mamayang gabi bandang alas 8:30 hanggang 9:30 ng gabi na dapat ang mga kabahayan at mga tanggapan ay mag-sara muna pansamantala ng kani-kanilang mga ilaw at ilang kagamitang komukonsumo ng kuryente.
Nakalaan ang isang oras na “lights off” action para sa mundo upang makatulong na mabawasan ang gastos sa kuryente at pansamantalang pagbawas ng carbon emission at nakalalasong greenhouse gases (GHG) na ang major source ay elektrisidad.
Ayon kay Reneelita Santos ang Officer-in-Charge ng Regional Strategic Communication and Initiatives Group ng Department of Environment and Natural Resources Region 1 na malaki ang magiging epekto nito sa kalikasan kung lahat ay makikiisa.
Nakakapagpababa aniya ng epekto ng global warming ang pagbawas ng konsumo ng enerhiya at nagpapakita ito na dapat may mga aksyon para sa global warming at climate change kaya makipagtulungan para sa kinabukasan.