DAGUPAN CITY- Malawak ang maaaring maging epekto sa daigdig ng tumitindi pang alitan sa pagitan ng Israel at Iran, ayon sa isang foreign affairs at security analyst.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lucio Blanco Pitlo III, ang nasabing eksperto, una na sa epekto nito ay ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naiipit sa pagitan ng dalawang nasabing bansa.

Aniya, dapat lamang na mamonitor ng embahada ng Pilipinas ang kalagayan ng mga ito lalo na sa mga hindi pa napapabilang sa repatriation.

--Ads--

At kung tumindi pa ang sitwasyon, dapat maging handa ang contigency measures ng ating bansa

Bukod pa riyan, lalo pang aakyat ang pagtaas sa presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sapagkat sa rehiyon ito nakukuha ang suplay ng mga ito.

Magdudulot umano ito ng ‘domino effect’ sa mga transportasyon sa buong mundo, gayun na din sa mga pangunahing bilihin at enerhiya.

At kung magpapatuloy pa ito ay maaaring pumasok na rin sa eksena ang Estados Unidos at papangambahang mas papalalain pa ang sitwasyon.

Saad pa ni Pitlo na posible din tumindi pa ang mga terorismo sa mga nasabing bansa kaya kakailanganin paigtingin pa ang seguridad sa bahagi ng mga Jewish.