Ikinatuwa ng Alliance of Health Workers (AHW) ang pagtatalaga kay Dr. Brittanio Pujalte Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Cristy Villahermosa-Donguines, Secretary General ng Alliance of Health Workers, National sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan isa si Dr. Pujalte sa mga tumutol sa planong pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center at nanindigan upang hindi matuloy ang tanggalan ng mga empleyado.

Dahil dito, naniniwala silang makatao ang bagong kalihim at may kakayahang isulong ang kapakanan ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan.

--Ads--

Umaasa rin ang grupo na palalakasin ni Pujalte ang pampublikong healthcare system, pananatilihing pampubliko ang mga ospital na nagsisilbi sa mga mahihirap na pasyente, magiging bukas sa dayalogo, at magsusulong ng transparency sa pamamahala ng DOH.

Samantala, nagpahayag din ng pagkadismaya ang AHW sa pag-alis sa puwesto ni dating DOH Secretary Teodoro Herbosa.

Ayon kay Donguines, hindi umano nito natugunan ang maraming isyung kinakaharap ng mga health worker sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Iginiit pa niya na ang pagbibitiw ni Herbosa ay hindi nangangahulugang ligtas na siya sa pananagutan sa mga umano’y iregularidad at katiwaliang naganap sa DOH. Anila, ipagpapatuloy nila ang paghahanap ng pananagutan at hindi titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya.

Sinabi pa niya na ilang ulit silang humiling ng dayalogo kay Herbosa ngunit hindi umano sila nabigyan ng pagkakataong makapag-usap.

Binanggit din nito ang umano’y pagkakaroon ng mga gamot na malapit nang mag-expire na hindi agad naipamahagi sa mga nangangailangan, gayundin ang pagtatayo ng ilang health centers na, ayon sa kanila, ay hindi pa rin napakikinabangan ng publiko.