Kinilala ng Korte Suprema na ang pagtatago ng tunay na sekswalidad ng isang tao bago ang pag-aasawa ay maaaring ituring na panlilinlang o fraud at sapat na batayan upang mapawalang-bisa ang isang kasal sa bisa ng annulment.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Charisse C. Victorio – Lawyer ang sekswal na oryentasyon ay isang mahalagang aspeto ng pagkatao na maaaring makaimpluwensya sa desisyon ng isang tao na magpakasal.

Kung ito ay sinadyang inilihim upang makuha ang pahintulot ng isa, ito’y maaaring ikonsiderang mapanlinlang at makaapekto sa bisa ng kasal.

--Ads--

Sa isang desisyong inilabas kamakailan, binigyang-diin ng Korte Suprema na kung napatunayang ang pahintulot sa pag-aasawa ay nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang gaya ng sinadyang pagtatago ng sekswal na oryentasyon maaaring ito’y gamiting legal na batayan para sa annulment.

Halimbawa na lamang sa isang kaso kung saan lumitaw na ang lalaki ay may ibang sekswal na oryentasyon na itinago sa kanyang asawa.

Bagama’t hindi inamin ang tunay na sekswalidad, nakalap ang malinaw at matibay na ebidensya na nagpapatunay sa panlilinlang.

Dahil dito, inatasan ng korte na dapat igalang ang karapatan ng isa sa mga mag-asawa na mapawalang-bisa ang kasal.

Nilinaw din ng Korte Suprema na ang pagbabago ng sekswal na oryentasyon pagkatapos ng kasal ay hindi sapat na dahilan para sa annulment.

Ang mahalaga ay kung ang panlilinlang ay umiiral na sa panahon ng pag-aasawa at naging dahilan upang maloko ang kabilang panig.

Pagbabahagi ni Atty. Charice sa mga nagnanais magsampa ng petition for annulment base sa ganitong dahilan, kinakailangang maghanda nang emosyonal, mental, pisikal, at pinansyal.

Iminumungkahi rin niya na kumonsulta muna sa abogado, ayusin ang mga kinakailangang ebidensya, at sundin ang lahat ng mandatory court proceedings.