BOMBO DAGUPAN — Nakasisiguro ang IBON Foundation na ang mga manggagawa sa labas ng National Capital Region ay mahihirapan na makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, Executive Director ng nasabing organisasyon, sinabi nito na napatunayan na hindi na nakabubuhay ang kanilang sinasahod.

Aniya na labis na hirap ang pinagdadaanan ng mga manggagawa sa ibang mga probinsiya kung saan mas mababa ang kanilang sahod sa minimum wage ng NCR at hindi na nakakasabay ang inuuwing sahod para sa mga pang araw-araw nilang pangangailangan.

--Ads--

Saad nito na ang mas nakakalungkot pa dito ay hindi natutugunan ang suliranin na ito lalo na’t hindi pinapanigan ng mga kinauukulan ang mga manggagawa.

Dagdag nito na nasa kamay dapat ng gobyerno na panigan ang mga manggagawa para sa ikagagaan ng pamumuhay ng mga ito.

Ito aniya ang kanilang nais na makita mula sa pamahalaan bago ang susunod na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa darating na Hulyo 22.

Pagdidiin pa nito na nasa kamay ng gobyerno kung paano mababawasan ang epekto ng inflation rate.

Ngunit dito naman pumapasok ang problema dahil sa loob aniya ng napakahabang panahon ay umaasa ang bansa sa mga inaangkat na sangkap para sa mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino.