DAGUPAN CITY- Itinaas ng Department of Agriculture (DA) sa P150 kada kilo ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) para sa pulang sibuyas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang pagtakda ng pagtaas ng MSRP sa sibuyas ay dahil umano sa tumaas din ang halaga ng kinukuhang importasyon.

Aniya, ang pagtaas ng logistics ay maaaring may kinalaman din umano sa pagbagsak sa halaga ng piso kontra dolyar.

--Ads--

Kaya isa umano itong paalala na mahirap para sa isang bansa na dumepende sa importasyon upang tugunan ang pangunahin pangangailangan sa pagkain.

Ani Cainglet, uubra naman ang nasabing MSRP subalit, umaasa sila na magiging mahigpit ang DA sa pagbantay sa pagpapatupad nito.

Gayunpaman, binigyang klaro ni Cainglet na walang kakulangan sa suplay ng sibuyas sa bansa at pagdating ng Enero ay papasok na rin ang lokal na produksyon.

Ikinalungkot lamang ni Cainglet ang patuloy na pagbaba ng farm gate ng mga produkto ng local producers.