DAGUPAN CITY- Hindi maituturing na isang simpleng suliranin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa kung saan apektado ang mga mamamayan sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sonny Africa, ang Executive Director ng IBON Foundation, sigurado ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain ngayong taon at bilihin sa pangkalahatan.

Aniya, kahit na bumaba ang inflation rate ng bansa ay patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

--Ads--

Dagdag niya, hindi man ito ramdam ngunit unti-unti itong tataas sa mga susunod na panahon.

Noon pa man umano ay nagkakaroon na ng problema ng food supply sa bansa kung kaya’t minsan ay umaasa na lamang ang bansa sa mga iniaangkat na pagkain mula sa ibang bansa o mga imported goods.

Isa rin umanong nakaka-apekto rito ay ang pagbaba ang value ng piso kontra sa dolyar at iba pang mga currencies.

May malawak ding epekto sa food security ng bansa ang pagbawas sa budget ng agrikultura dahil nalilimitahan ang kakayahan ng mga local producers upang masuportahan ng pamahalaan.