DAGUPAN CITY- Hinihikayat ni Abdulcader Dimapinto, Imam sa bayan ng Calasiao, ang pakikiisa ng bawat kapatid nilang Islam para sa kanilang pagselebra ng unang araw ng Ramadan.

Sa kaniyang naging panayam sa Bombo Radoy Dagupan, labis ang kanilang pagpapahalaga bilang Muslim sa paghahanda bago sumapit ang mismong araw ng Ramadan lalo na’t isang beses lamang ito kada taon.

Aniya, nagsisimula ang kanilang pagpapaaalala sa mga kapatid nilang Muslim ang kahalagahan nito isang buwan bago sumapit ang araw na ito.

--Ads--

Sa kanilang selebrasyon tuwing Ramadan, importante aniya ang pag aayuno sapagkat isa ito sa haligi ng Islam at hindi ito dapat tinatanggihan. Nagpapatunay aniya ito ng katapatan ng isang Muslim kay Bathala.

Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito ay iiwasan na nila ang pagkain, ang pag inom, pakikipagtalik sa asawa ,at sa mga bagay na wala namang makabuluhan. Kumakain at umiinom lamang aniya sila tuwing madaling araw at sa gabi na ang kasunod nito. Nagtatagal ang kanilang pag aayuno ng 29-30 araw.

Iftar naman ang kanilang ginagawang pagsasalo tuwing gabi ng Ramadan. Sa kanilang paniniwala, nabibigyan ng reward ang isang taong nagbigay ng pang-Iftar sa kapwa nito.

Gabi-gabi naman nila isanasagawa ang simbang gabi, kasunod ito ng regular na pag-sasalay tuwing alas 7 ng gabi. Ito ay ang kanilang 2 oras na pagdadasal.

Ayon naman sa kanilang propeta, pinapatawad sa mga nakaraang kasalanan ang mga nakikiisa sa pag-ayuno. Palatandaan din ito na makakapasok ang isang tao sa isa sa mga pinto ng paraiso na kung tawagin ay Rayyan.