Dagupan City – Binigyang diin ng isang Veterinarian ang kahalagahan ng pagsasagawa ngtaunang pagbabakuna sa mga alagang hayop.
Sa naging mensahe ni Dr. Sigrid Agustin, Veterinarian II ng Department of Agriculture (DA), ang taunang pagbabakuna sa mga alagang hayop ay isang mahalagang hakbang upang maiwasan ang rabies lalo na sa bansang Pilipinas.
Dahil aniya, kilala ang bansa na hindi rabies free kung ikukumpara sa ibang mga bansa na minsan lamang binabakunahan ang mga alagang hayop.
Dito na niya ipinaliwanag na hindi inborn o likas na nagkakaroon ng rabies ang mga hayop. Kundi, aniya ito ay isang sakit na nakukuha mula sa kapaligiran, at maaaring makuha ng isang hayop sa pamamagitan ng kagat o laway mula sa ibang hayop na may rabies.
Kaya naman, patuloy na pinaalalahanan nito ang mga pet owners na tiyakin na ang kanilang mga alaga ay nababakunahan taon-taon.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Dr. Agustin ang ilang mga sintomas ng rabies na dapat bantayan sa mga aso. Kabilang dito ang biglaang pagbabago sa ugali ng alaga, tulad ng pagiging agresibo nang walang dahilan. Isa rin sa mga palatandaan ang hindi maipaliwanag na panghihina o paralysis, lalo na sa kanilang mga panga at lalamunan, na nagiging sanhi ng hirap sa paglunok.
Dagdag pa rito ang pagpapakita ng kakaibang behavior, tulad ng matinding laway at matinding takot sa tubig, isang kondisyon na tinatawag na hydrophobia.
Samantala, pinabulaanan naman nito ang paniniwala na ang mga aso na laging nagngangatngat ay may rabies. Ayon sa kanya, normal lamang para sa mga aso, lalo na ang mga tuta, na makati ang kanilang dila at magngatngat ng mga bagay, ngunit hindi ito nangangahulugang may rabies ang kanilang alaga.
Binigyang-diin din nito na ang pagtutok sa mga sintomas ng rabies at ang regular na pagpapabakuna sa mga alaga ay dalawang pinakamahalagang hakbang upang maprotektahan ang mga hayop at ang komunidad mula sa sakit na ito. Sa ganitong paraan, mapapalakas ang laban ng bansa sa rabies at maiiwasan ang mga seryosong epekto ng sakit sa mga alaga at tao.