Dagupan City – Pinaigting ng Manaoag Traffic Operation Office ang pagpapatupad ng kanilang Traffic Ordinance upang matiyak ang kaligtasan ng mga motoristang dumaraan sa bayan.
Ayon kay Crisanto De Guzman, pinuno ng tanggapan, halos ilang dekada nang walang mahigpit na sinusunod na traffic ordinance ang bayan kaya nang maaprubahan ang Municipal Ordinance No. 01-2024 noong nakaraang taon ng Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Bayan ay agad nila itong ipinatupad.
Saklaw ng ordinansa ang mga pangunahing alituntunin sa trapiko, tulad ng pagsusuot ng helmet, pagpapakita ng lisensya, at iba pa.
Para sa mas malawak na kamalayan, patuloy ang kanilang ginagawang information dissemination at pagsita sa mga hindi sumusunod.
Sinabi pa ni De Guzman na bagamat may mga reklamo, patuloy parin nilang ipinapatupad ang batas dahil matagal na nilang inaasam ang pagkakaroon nito para sa kaayusan ng bayan.
Dahil dito, makikita ang mga tarpaulin na naglalaman ng mga alituntunin sa iba’t ibang bahagi ng bayan na nakadikit lamang sa mga pader para agad malaman ng publiko.
Nanawagan si De Guzman sa publiko na makipagtulungan para sa ikabubuti at kaligtasan ng lahat.
Bukas naman ang kanilang tanggapan sa anumang reklamo, suhesyon, o opinyon hinggil sa ipinatutupad na ordinansa.
Sa kabilang banda, inihahanda na rin ng lokal na pamahalaan ang isang Parking Ordinance na kanilang pamumunuan upang maayos ang pagpaparada ng mga sasakyan, lalo na tuwing dagsaan ang deboto kapag may okasyon ang simbahan.