Dagupan City – Ipinagmalaki ng lokal na pamahalaan ng Malasiqui na nakapagpamahagi sila ng tig-lilimang kilong bigas sa humigit-kumulang 46,000 kabahayan bilang bahagi ng mga pangunahing programa na ipinatupad mula nang magsimula ang kasalukuyang administrasyon, kasabay ng pagpapatibay ng mga proyekto para sa kalinisan, imprastraktura, at serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay municipal mayor Alfe Soriano, layunin ng administrasyon na agarang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa usapin ng pagkain, kalinisan, at maayos na kapaligiran.

Bilang tugon sa matagal nang suliranin sa basura, nakabili ang lokal na pamahalaan ng anim na brand new garbage trucks upang matiyak ang mas episyente at regular na koleksyon ng basura sa iba’t ibang barangay.

--Ads--

Dahil dito, unti-unti nang nawala ang mga nagkalat na basurang nakasako sa mga lansangan.

Isinasagawa na ngayon ang araw-araw na paghahakot tuwing hapon, at diretso itong dinadala sa itinalagang dumpsite sa Barangay Taluyan para sa tamang disposisyon.

Kasabay nito, inihahanda na rin ang rehabilitasyon ng municipal plaza na may inilaan na P20 milyong pondo.

Tinatayang matatapos ang proyekto sa loob ng sampung buwan at inaasahang magiging bagong sentro ng aktibidad ng komunidad, pati na rin isang potensyal na tourist attraction.

Malaki rin ang naging puhunan ng administrasyon sa imprastraktura, partikular sa mga kalsada.

Marami nang natapos na road projects at may nakalaan na ring karagdagang pondo para sa road widening upang mapabuti ang daloy ng trapiko at masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.

Nananatiling prayoridad ng lokal na pamahalaan ang kalinisan at serbisyong pangkalusugan, kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang direktang nagpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga residente.