DAGUPAN CITY- Nanawagan si Mayor Belen Fernandez na ituloy ang matagal nang planong pagpapatayo ng Maternity and Children’s Hospital sa lungsod.

Ayon sa alkalde, may nakalaan nang pondo para sa nasabing ospital, ngunit dahil sa ilang mga balakid, umabot na ng tatlong taon ang pagkaantala nito at hindi pa rin ito naipatayo.

Aniya, maraming mga magulang ang sabik na makita ang pagsisimula at pagkumpleto ng nasabing proyektong ito.

--Ads--

Dagdag pa niya, layunin ng ospital na magbigay ng libreng serbisyong medikal para sa panganganak at pag-aalaga ng mga bata.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si Brgy. Captain Macmac Gutierrez ng Poblacion Oeste, na nagsabing napakahalaga ng proyekto para sa mga residente ng Dagupan.

Aniya, ngayong ipinagbabawal na ang panganganak sa bahay, nararapat lamang na magkaroon ng mga ganitong klaseng pasilidad at proyekto para tugunan ang pangangailangang medikal.