Dagupan City – Maaaring humantong sa kasong libel ang pagpapakalat ng umano’y isyu sa social media kaugnay ng relasyon ng isang artista at sinasabing kamag-anak nito, ayon kay Atty. Francis Abril, isang legal consultant.
Paliwanag ni Abril, bagama’t sinasabi sa mga kumakalat na post na nasa ikalimang antas ng pagkakamag-anak ang nasasangkot sa isyu, ang ipinagbabawal lamang sa ilalim ng civil law ay ang pagpapakasal ng mga taong nasa ikaapat na antas ng pagkakamag-anak.
Aniya, pinapayagan ng batas ang pagpapakasal ng mga second cousin dahil wala itong nilalabag na probisyon ng Family Code.
Gayunpaman, nagiging ibang usapin na kapag ang relasyon ay pasok sa ikaapat na antas ng pagkakamag-anak na malinaw na ipinagbabawal ng batas.
Dahil dito, iginiit ni Abril na ang patuloy na pagkalat ng ganitong usapin sa social media ay maaaring pumasok sa libel, kahit pa walang tahasang pinangalanan sa mga post.
Dagdag pa niya, ang mga komento sa comment section na nakasisira sa reputasyon ng isang tao ay maaari ring maging batayan sa paghahain ng kaso.
Binigyang-diin din ng abogado na kahit i-blur ang ilang bahagi ng larawan, kung ang orihinal na imahe ay madaling maiugnay sa isang partikular na indibidwal, maaari pa rin itong magamit bilang ebidensya sa reklamo.
Paaalala ni Abril sa publiko na mahalagang kilalanin nang mabuti ang mga taong napupusuan upang maiwasan ang posibleng problema sa hinaharap, lalo na kung malalaman na sila pala ay may relasyon bilang magkamag-anak.










