Patuloy na lumalala ang lagay ng ekonomiya ng bansa dahil sa umiigting na political crisis at kawalan ng tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.

Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng SENTRO, ramdam ng taumbayan at ng mga negosyo ang epekto ng kawalan ng malinaw at matatag na aksyon laban sa korapsyon kung saan ito ay isang kondisyong nagdudulot ng pag-atras ng mga mamumuhunan at pagbagal ng pag-unlad.

Aniya nakakalungkot na ang ekonomiya ay naapektuhan talaga ng political scenario at halos wala na ring tiwala ang tao sa mga institusyon bagamat wala pang nakikitang nakukulong.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi na usapin para sa mamamayan kung sino ang nasa posisyon o anong pamilya ang naghahawak ng kapangyarihan.

Ang pangunahing panawagan ay maparusahan ang lahat ng sangkot at mabawi ang yaman na umano’y ninakaw mula sa kaban ng bayan.

Kaugnay ng lumalawak na panawagang pananagutan, inihayag ni Mata na puspusan ang paghahanda para sa nalalapit na Trillion-Peso March, isang malakihang protesta na hindi lamang idaraos sa Maynila kundi maging sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Saad nito na hindi dapat tumigil ang mamamayan sa pagpoprotesta, dahil kapag tumigil tayo, ay hindi makokorek ang problema.

Hinimok din niya ang publiko na aktibong makilahok sa mga kilos-protesta bilang pagpapakita ng seryosong paninindigan laban sa katiwalian at kawalan ng pananagutan sa pamahalaan.