Dagupan City – Hindi na makakabalik si Maduro sa pwesto sa Venezuela – Political Analyst
Hindi na umano inaasahang makakabalik pa sa pwesto sa Venezuela si Pangulong Nicolás Maduro.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law Expert at Political Analyst, kasunod ng tumitinding impluwensya ng Estados Unidos sa nasabing bansa.
Ani Cera na mistulang naging bahagi na ng impluwensya ng Amerika ang Venezuela, lalo na matapos ang presensya ng militar ng U.S. sa rehiyon.
May mga ulat din umanong nagsasabing may posibilidad pa ng ikalawang opensibang militar, bagay na lalong nagpapalala sa sitwasyon ng bansa.
Tinalakay rin ni Cera ang alegasyon na ginagamit ang Venezuela bilang ruta o “shipment point” ng ilegal na droga patungong Estados Unidos, at ang paratang na iniuugnay si Maduro sa umano’y operasyon ng drug cartel.
Gayunman, binigyang-diin niya na kung susuriing mabuti ang datos, mas malaki pa rin ang produksyon at daloy ng droga mula sa Mexico patungong U.S.
Dito na inanalisa ni Cera ang aspeto ng enerhiya, sinabi ni Cera na isa sa mga pangunahing dahilan ng interes ng Amerika sa Venezuela ay ang langis nito.
Aniya, unti-unti nang nauubos ang petroleum reserves ng Estados Unidos, habang ang langis ng Venezuela ay kilala sa pagiging “thick” o makapal, na mas kapaki-pakinabang para sa ilang industriyal na gamit.
Dahil dito, may mga sektor na nagpapakita ng simpatya sa Venezuela bilang isang bansang mayaman sa likas na yaman ngunit napapailalim sa malakas na puwersang panlabas.
Sa kabila nito, inisa-isa rin ni Cera ang mga nakabinbing kaso at akusasyon laban kay Maduro, kabilang na ang mga paratang ng korupsiyon at abuso sa kapangyarihan, na patuloy na ginagamit bilang batayan ng mga hakbang laban sa kanyang pamahalaan.
Matagal nang itinuturing na malapit na kaalyado ng China ang Venezuela, lalo na sa larangan ng kalakalan at enerhiya.
Subalit ayon kay Cera, dahil sa pagpasok at impluwensya ng Estados Unidos, inaasahang mas magiging dependent ang Venezuela sa U.S. sa mga susunod na panahon.










