Kinuwestyon ng Alliance of Concerned Teachers-Philippines ang pagiging epektibo ng three-term school calendar sa gitna ng sunod-sunod na suspensyon ng klase dahil sa mga bagyo at habagat.
Ayon kay ACT-Philippines National Chairperson Ruby Bernardo, hindi malinaw sa ilalim ng bagong school calendar kung paano gagamitin ang mga buffer day para sa mga suspensyon ng klase.
Aniya, dati ay may humigit-kumulang 20 araw na nakalaan bilang buffer para sa mga kanselasyon ng klase, ngunit inalis na ito sa kasalukuyang sistema.
Dagdag ni Bernardo, kahit makumpleto ang tatlong termino nang walang suspension, kapos pa rin ang mga araw para sa kinakailangang instructional time. Mas lalo itong nababawasan kapag sunod-sunod ang pagkansela ng klase dahil sa masamang panahon.
Dahil dito, hinihintay nila ang paliwanag ng Department of Education kung paano hahabulin ang mga aralin na hindi naituro dahil sa suspension. Kabilang sa mga posibilidad ang paghabol sa mga lesson kapag balik-eskwela na ang mga estudyante o ang pagpapabilis sa pagtuturo sa mga natitirang aralin.
Hiniling ni Bernardo sa DepEd na muling suriin at magsagawa ng evaluation sa three-term school calendar upang matukoy kung epektibo ito sa kasalukuyang sitwasyon ng mga paaralan.
Samantala, sinabi rin ni Bernardo na kahit walang pasok, napipilitan pa rin ang ilang guro na magtungo sa paaralan upang matiyak na ligtas itong balikan ng mga estudyante matapos ang masamang panahon.
Sa panahon ng suspension ng klase, nagpapatuloy rin ang ilang paraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng alternative delivery modes, kung saan nagbibigay ang mga guro ng mga learning activity sa mga mag-aaral.
Gayunman, sinabi ni Bernardo na may bagong polisiya ang DepEd kaugnay nito, kung saan sinuspinde ang paggamit ng alternative delivery mode ngunit pinalitan ng ibang termino at nilimitahan ang dami ng mga aktibidad na ibinibigay sa mga estudyante.
Samantala, sa mga paaralang naapektuhan ng bagyo at habagat, wala umanong malaking pinsala sa mga school building na naitala sa mga rehiyong sinalanta. Kabilang sa mga pangunahing problema ang pagbaha sa mga daanan patungo sa ilang paaralan.










