Maituturing na liability ang pagiging dating politiko ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ngayon ay itinalaga bilang bagong Ombudsman.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert/Political Analyst bagamat maituturing ito bilang isang “liability” ngunit maaari ring itong tingnan bilang isang “plus factor.”

Aniya ang karanasan ni Remulla bilang dating kongresista ay maaaring magbigay sa kanya ng mas malalim na pang-unawa sa dynamics ng pulitika, ngunit hindi rin maiaalis ang takot ng ilan na maaaring gamitin ito laban sa mga political enemies.

--Ads--

Gayunpaman, nilinaw niya na ang dating DOJ Secretary ay lehitimong bahagi ng shortlist na isinumite para sa posisyon, at walang indikasyong pinilit itong isama.

Bagamat may mga kaso na isinampa kay Remulla bago ang kanyang pagkakatalaga ay posibleng may layong harangin ang kanyang clearance, na isang requisite document para sa appointment bilang Ombudsman.

Ayon sa kanya, ang pagbabago sa timing at kilos ng ilang partido ay maaaring indikasyon ng pulitikal na motibo.

Gayunpaman, binigyang diin nito na bigyan ng “benefit of the doubt,” si Remulla at tingnan kung talagang seryoso ito sa kaniyang trabaho.

Umaasa naman si Atty. Cera na sana ay gulatin tayo ni Remulla sa mga trabaho na kaniyang gagawin bilang Ombudsman sa mga susunod na buwan partikular na sa isyu ng flood control anomalies.