DAGUPAN CITY– Muling maghihigpit sa pagpapatupad ng health and safety protocols sa lungsod ng Dagupan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng covid 19.

Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 48 na nilagdaan ni Mayor Brian Lim.

Kasabay nito ay muling ipinatupad ang liquor ban sa lungsod .

--Ads--

Simula kanina 12:01 ng hatinggabi muling ipinagbabawal ang pag inom at pagbebenta ng alak .

Ilan din sa nagpositibo sa covid 19 sa lungsod ay mula sa ibang probinsya kaya muling magpapatupad ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga border checkpoint.

Bagamat hinigpitan ang pagpapatupad ng protocols, nilinaw ni Mayor Lim na hindi babaguhin ang quarantine status ng lungsod .

Giit niya na hindi na puwede isara ang ekonomiya dahil mas marami ang maghihirap.

Sa kasalukuyan ay pumalo na sa mahigit 60 ang aktibong kaso ng covid 19 sa lungsod matapos makapagtala ng 19 na panibagong kaso.
Karamihan sa mga nagpositibo ay mga nakasalamuha ng mga naunang nagpositibo.

Kabilang sa mga nagpositibo sa sakit ang isang mag anak, ilang negosyante sa magsaysay fish market at mga nahawaan ng sakit sa isang pagtitipon sa religious service sa lungsod.

Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na ang mga pasyente sa ibat ibang ospital at isolation facilities sa lungsod.

Nagsagawa na rin ng contact tracing ang mga health authorities.