Dagupan City – Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang paghahanda para sa Business Permit Renewal ng lahat ng market at commercial strip vendors sa susunod na taon, kaya’t hinihikayat ang lahat na ayusin at kumpletuhin na ang kanilang mga kinakailangang dokumento.
Ayon sa abiso ng Special Econmic Enterprise (SEE) Office, dito gagawin ang proseso ng aplikasyon, kaya’t pinapaalalahanan ang mga vendors na siguraduhing maayos ang lahat ng requirements upang maging mabilis at walang abala ang pagproseso.
Binibigyang-diin ng opisina na ang maagang paghahanda ay makakatulong hindi lamang sa agarang pagproseso kundi pati na rin sa mas maayos na pag-record ng mga business transactions, at pagpapatupad ng mga regulasyon ng pamahalaan.
Para sa renewal, kinakailangan ang Barangay Business Clearance, Sworn Statement of Gross Sales para sa nakaraang taon, Sanitary Permit o Health Certificate para sa mga food handlers, Certificate of Registration o Annual Income Tax Return, Fire Safety Inspection Certificate, at Authorization Letter o Special Power of Attorney (SPA) na notarized kung hindi personal ang magpoproseso.
Pinapaalalahanan din ang mga vendors na siguraduhing wasto at updated ang kanilang mga dokumento upang maiwasan ang anumang legal o administratibong abala sa hinaharap.
Para naman sa mga bagong aplikante, maaari ring kumuha ng listahan ng requirements sa SEE Office o sa opisyal na social media page ng lokal na pamahalaan.
Hinihikayat ang lahat na huwag ipagpaliban ang paghahanda ng kanilang mga dokumento upang matiyak ang maayos, mabilis, at walang abalang aplikasyon sa susunod na taon, at upang masiguro rin ang patuloy na operasyon ng kanilang mga negosyo sa ilalim ng mga umiiral na regulasyon.










