Patuloy pa rin ang serye ng mga pagsasanay para sa mga miyembro ng mga electoral boards sa buong bansa, bilang paghahanda sa nalalapit na halalan. Layunin nito na matiyak ang tamang proseso ng botohan at pagpapahayag ng mga resulta, at upang mapalakas ang kakayahan ng mga kawani ng gobyerno sa pag-manage ng mga election-related tasks.

Ayon kay Atty Erickson Oganiza – Provincial Election Supervisor sa lalawigan ng Pangasinan, maganda ang ipinapakitang performance ng mga kalahok. Wala aniyang nairereport na bumabagsak, isang indikasyon na matagumpay ang mga pagsasanay.

Aniya na ang unang araw ng pagsasanay ay nakatuon sa hands-on operations ng mga makina, habang ang ikalawang araw ay inilaan para sa certification mula sa Department of Science and Technology (DOST). Sa araw na ito, magkakaroon ng practical exam na isu-supervised ng mga kinatawan mula sa DOST. Ang mga matagumpay na makakapasa sa pagsusulit ay makakatanggap ng certification, bilang bahagi ng mandato ng automated elections na kailangang may IT-certified na tao sa bawat electoral board.

--Ads--

Dagdag pa ni Oganiza, ang mga magsisilbing miyembro ng mga electoral boards ay hindi lamang may kakayahan kundi may malasakit din sa pagtupad ng kanilang mga responsibilidad. Mas mainam din kung mayroon na silang karanasan sa operasyon ng mga makina, bagamat binigyang-diin niyang hindi lamang ang teknikal na aspeto ng makina ang kanilang pinagtutuunan ng pansin. Kasama sa kanilang trabaho ang mga legal na aspeto ng halalan.

Sa kabuuan, mayroong 2,869 na clusters sa lalawigan ng Pangasinan, kung saan bawat cluster ay magkakaroon ng isang makina. Tatlong electoral boards ang magsisilbi sa bawat makina.

Ayon kay Oganiza, sa kabila ng mga pagsubok, kabilang na ang mga baguhang electoral boards na minsan ay nagkakamali, sinabi ni Oganiza na sa tulong ng mga trainers, natutulungan silang malampasan ito at hindi na nauulit ang mga pagkakamali. Ipinagbigay-alam din niya na hindi ito makakaapekto sa kinalabasan ng halalan at natitiyak ang tamang pagganap ng bawat electoral board.

Ipinaalala din ni Oganiza na mula pa noong 2010, wala umanong naging malalaking problema sa mga electoral boards, kaya’t hindi na dapat mag-alala ang mga tao na makakaapekto ito sa resulta ng halalan.