Sa pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day, muling pinaalalahanan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang publiko sa kahalagahan ng paggunita sa buhay at paninindigan ni Benigno “Ninoy” Aquino Jr., isa sa mga pangunahing mukha ng oposisyon noong panahon ng diktadura.

Ayon kay Eufemio Agbayani III, isang Historical Sites Researcher ng NHCP, ang holiday na ito ay hindi lamang simpleng araw ng pahinga kundi isang makasaysayang paalala ng sakripisyo ni Ninoy.

Ang kanyang pagkamatay ay naging mitsa ng pagbabagong panlipunan dahilan kung bakit gumuho ang damdamin ng mga Pilipino at nanawagan sila ng pagbabago sa sistemang umiiral noon.

--Ads--

Bagamat mahirap at sensitibo ang pagtalakay sa buhay ni Aquino, lalo na’t ang ama ng kasalukuyang Pangulo ng bansa ang umano’y may kinalaman sa kanyang pagkakapaslang, nananatili itong mahalagang bahagi ng ating kasaysayan.

Nanawagan naman si Agbayani sa kabataan na gamitin ang araw na ito bilang pagkakataon upang balikan ang kasaysayan, magsuri, at maging mapanuri.

Aniya, mahalagang pag-aralan kung paano nabuhay ang mga Pilipino noong panahong iyon upang makita rin ang mga pangyayaring humantong sa pagproklama ng Martial Law.

Samantala, pagbabahagi pa niya na huwag ikulong ang sarili sa isang pananaw lamang bagamat ang kasaysayan ay masalimuot kayat nararapat lamang na lapitan ito nang bukas ang isipan.