Sa ika-42 anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., muling inalala ng iba’t ibang organisasyon at personalidad ang kahalagahan ng kanyang ambag sa kasaysayan ng bansa, partikular sa laban para sa demokrasya.

Ayon kay Atty. Josiah David Quising, co-founder ng advocacy group na Project Gunita, ang paggunita sa Ninoy Aquino Day ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, kundi isang mahalagang paalala ng papel ng mamamayan sa pagpapanatili ng malayang lipunan.

Aniya mahalaga si Ninoy Aquino sa kasaysayan ng bansa, isa siya sa mga pinakatanyag na opposition politicians noong panahon ng diktadurya.

--Ads--

Ang kanyang pagkamatay ay nagsilbing mitsa ng mas malawakang pagkamulat ng maraming Pilipino sa mga pang-aabuso ng gobyerno noong panahong iyon.

Binigyang-diin niya na kadalasan, ang mga bayani na kinikilala sa kasaysayan ay mga lumaban sa mga dayuhang mananakop gaya ng mga Kastila.

Ngunit aniya, mahalagang kilalanin din ang mga tulad ni Aquino na tumindig laban sa mga pang-aabuso na nagmumula mismo sa sariling pamahalaan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang mga paggunita sa araw na ito sa pamamagitan ng mga seremonya ng pag-aalay ng bulaklak at mga forum na isinasagawa ng mga non-government organizations (NGOs) at ilang sektor ng gobyerno.

Ayon sa Project Gunita, may mga naka-iskedyul din silang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan upang mas mailapit sa kabataan ang mga aral mula sa buhay ni Aquino.

Gayunpaman, napuna rin ng ilan ang tila paglamig ng opisyal na pakikilahok ng pambansang pamahalaan sa komemorasyon ng araw na ito, lalo na matapos maupo sa puwesto ang administrasyong Marcos.

Sa kabila nito, nananatili ang panawagan ng mga tagapagtaguyod ng demokrasya na huwag sanang matapos ang pag-alala sa seremonyal na aspeto lamang.

Ang Ninoy Aquino Day ay isang special non-working holiday na ipinagdiriwang tuwing Agosto 21, bilang pagkilala sa kanyang sakripisyo at papel sa pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas