DAGUPAN CITY- Nagmimistulang pahirap para sa mga estudyante at guro ang paggamit ng mother tongue sa patuturo dahil sa mas bihasa sila sa paggamit ng tagalog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Noreen Barber, guro sa lungsod ng Alaminos, sa kanilang karanasan ay marami nang mga salita sa kanilang dayalekto ang hindi na maintindihan ng mga mag-aaral kaya lalong nagpapahirap ito sa pagtuturo.
Aniya, maaaring nakita ng pamahalaan ang hindi magandang epekto nito na nakakaapekto sa edukasyon.
Kinakailangan din umano ng mga guro na magsiyasat at tanungin sa mga bihasa sa salita upang gamitin ito sa pagtuturo.
Kaya sa pagpasok ng Matatag Curriculum ay unti-unti nang nawala ang paggamit ng mother tongue bilang pagtuturo sa Kinder hanggang Grade 3.
Kaugnay nito, lalo pang gumaan ang trabaho ng mga guro sa ilalim ng naturang curriculum partikular na nabawasan ang kanilang work load.
Gayunpaman, nananatiling may kakulangan pa rin sa mga guro ang mga paaralan kaya marami pa rin ang bilang ng mga estudyante na kanilang hinahawakan.
Lalo pang nababawasan dahil marami rin ang mga guro na pinipiling magturo na lamang sa ibang bansa.
Pinuri ni Barber ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay ng kahalagahan sa kalagayan ng mga mag-aaral, guro, at edukasyon sa bansa.
Patuloy pa ang kanilang paniniwala sa susunod pang uupo na mga pangulo ng bansa sa pagpapabuti pa ng edukasyon dahil sa kasalukuyan ay wala pa ito sa magandang kalidad.