Dagupan City – Ipapatupad na ng Commission on Elections (Comelec) ang regulasyon sa paggamit ng iba’t-ibang porma ng artificial intelligence (AI).

Ito ang kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia matapos sabihin na mayroon man o walang batas, maglalabas ang komisyon ng guidelines na siyang susundin sa paggamit ng AI.

Kaugnay nito ay nagpapatuloy na rin ang konsultasyon na ginagawa ng komisyon kasama ang ilan pang mga experto na may layuning matukoy ang mga uri ng AI na gagamitin sa nalalapit na halalan.

--Ads--

Binigyang diin pa ni Garcia na anuman ang magiging resulta ng isinasagawang konsultasyon at pag-aaral, ipupursige ito ng komisyon, kasama na ang paglalabas ng guidelines.

Samantala, nakahanda na rin aniya ang komisyon upang depensahan ang desisyon nito sa korte, kasabay ng paggigiit na may kapangyarihan at otoridad ng komisyon para mag-regulate sa iba’t-ibang paraan o porma ng information dissemination, gaano man ito kalimitado, salig sa Fair Elections Act.