Binatikos ni Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang ipinagmamalaki ng administrasyon na mas maraming foreign investors ang nais maglagak ng investment sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mata, sinabi nito na lumang tugtugin na ito dahil palagi nang naririnig ito sa nakaraan pang mga administrasyon subalit magpahanggang ngayon ay wala namang pagbabagong nagaganap sa usaping pamumuhunan o foreign direct investment sa bansa kung ikukumpara sa mga karatig na bansang ASEAN.
Iginiit ni Mata na nakakalungkot at nakakahiya na ipinagmamalaki pa ng mga opisyal sa bansa na marami na silang ginawang batas na maghihikayat sa mga negosyante.
Aniya, wala siyang nakitang mga bagong patakaran ng gobyerno upang maging magandang destinasyon ng mga negosyante ang bansa.
Tinukoy niya ang mga salik gaya na lamang ng nananatiling mataas na presyo ng kuryente at transport crisis sa Metro Manila.