DAGUPAN CITY- Inaasahan ng mga bus terminal sa lungsod ng Dagupan ang pagdagsa pa ng mga pasahero ngayon araw dahil sa mga hahabol na makaboto sa araw ng eleksyon.
Ayon kay Robert Silvester, terminal master, karamihan sa mga dumadagsa ay ang mga papauwi ng Zambales at Bolinao, Pangasinan.
Aniya, hindi naman naging problema ang pagdagsa dahil mabilis naman ang interval ng kanilang bus kaya madaling maisakay ang mga ito.
Napapanatili aniya nila ang 10-15 minutes interval ng mga bus.
Sinabi pa ni Silvestre, handa pa sila sa mga pagdagsa ng pasahero partikular na ngayon araw dahil mayroon naman silang special permit hanggang May 19 para sa mga bus na babyahe.
Tiniyak naman niya na nasa kundisyon din ang kanilang mga bus dahil dumadaan pa ito sa tamang inspeksyon.
Gayundin sa mga bus driver na may sapat na tulog at nasa maayos na kalagayan upang mapanatili ang ligtas na pag-byahe.
Samantala, hindi naman nila hahayaan na hindi makaboto ang kanilang mga driver at kundoktor.