BOMBO DAGUPAN- Labis na pinaghandaan ng Paris, bilang hosting country, ang Summer Olympics ngayon taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vermin Tagle, Bombo International News Correspondent sa Paris, kasama sa paghahanda ay ang pagpapatayo ng mga pansamantalang istraktura, pag papalakas ng seguridad, at pagsasaayos ng lohitikal na aspeto.
Nagkaroon din ng mahigpit na koordinasyon ang mga lokal na otoridad at organisador ng Olympic, gayundin sa security agencies, upang matiyak ang ligtas at matagumpay na seremonya para sa pagbubukas ng Paris Olympics 2024.
Inaasahan din kase ang paglahok sa humigit 10,500 atleta mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ani Tagle, upang lalong mahigpitan ang seguridad, nag iinstall ng mga cctv at advanced security system lalo na sa mga iba’t ibang venue.
Nagsagawa naman ng safety drill and simulation ang mga police force bago magsimula ang mga events.
Naglalagay din ng check points at security screening area para sa mga lalahok at manonood.
Hindi rin mawawala ang paghanda ng emergency response team at pasilidad ng pangmedikal.
Samantala, ilan sa mga iconic landmarks sa Paris ang gagamitin bilang venue, kabilang na dito ang Eiffel Tower para sa beach volleyball, Champs Eylsees para sa urban sports competitions, at Grand Palace para sa fencing.
At para sa taong ito, ipapakilala ang bagong sports na lalahukan sa naturang Olympics kabilang na ang breakdancing o breaking, skateboarding, sport gliding, at surfing.
Ang mga bagong sports na ito ay ang maghihikayat umano sa mga kabataan na manood sa Paris Olympics.