DAGUPAN CITY- Matindi ang epekto sa ekonomiya ng bansa ang patuloy na pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, aniya, panandaliang paliwanag nito ang pagbaba ng interest stakes ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagbagsak ng halaga ng piso sa forex exchange.
Aniya, mas malaking problema kung titignan dekadang patuloy na pagbagsak ng halaga ng piso.
Makakaapekto ito sa pagtaas pa ng halaga ng mga inaangkat na produkto ng bansa at gayundin sa mga bilihin.
Subalit, isang malaking bagay naman ang pagbaba ng inflation sa bansa.
Ang aspeto naman ng nasabing pagbagsak ay oportunidad para sa mga foreign investors na makabili ng maraming piso gamit ang kanilang dolyar.
At sa bahagi ng eksportasyon, mas mapapamura nito ang halaga ng produksyon.
Gayunpaman, mahalagang mas bigyang pansin ang lokal na industriya upang mas mapalakas ang ekonomiya ng bansa, gayundin ang halaga ng piso.
Sa paglakas ng industriya, hindi na kinakailangan umasa pa ng bansa sa pag-angkat ng mga produkto sa mga dayuhan.
Subalit, sa nagdaang dekada ay nasanay umano ang gobyerno sa ‘trabahong tamad’ upang kumita ng dolyar sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa ibang bansa.









