Muling nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ibalik ang tamang taripa sa mga inaangkat na produktong agrikultural upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng imported at lokal na ani.
Ayon kay SINAG chairperson Engr. Rosendo So, sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi umano makaaapekto sa presyo ng bigas kahit ipatigil ang rice importation.
Aniya, ang pangunahing problema ay ang pagtanggi ng ilang trader at miller na bumili ng palay sa mas mataas na presyo, dahil ibinabase nila ang kanilang bentahan sa mas mababang landed cost ng imported na bigas.
Binigyang-diin ni So na ang pagbabalik ng tamang taripa ay makatutulong upang maging normal ang daloy ng importasyon; maiwasan ang oversupply na nakasasama sa mga lokal na magsasaka; at mapigilan ang pagbagsak ng presyo ng lokal na produkto sa merkado.
Iginiit din ng SINAG na ang makokolektang revenue mula sa taripa ay dapat direktang mapunta sa mga programang sumusuporta sa mga magsasaka.
Sa ganitong paraan, hindi lamang mapoprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, kundi masisiguro rin ang pangmatagalang seguridad sa pagkain ng bansa.
Ayon pa kay So, ang tuloy-tuloy at malayang pagpasok ng murang imported na bigas at iba pang produkto, lalo na kung walang sapat na taripa, ay nagpapahirap sa lokal na sektor ng agrikultura na makipagsabayan.