DAGUPAN CITY- Isang malaking hakbang para sa bansa kung muling maisasali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Carlos Conde, Senior Researcher ng Human Rights Watch, ikinagalak nito ang desisyon ng administrasyon na nagnanais na muling isali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) sa pamamagitan ng pagraratipika muli ng Rome Statute.

Aniya, isa itong mahalagang instrumento para sa pananagutan at pagtataguyod ng karapatang pantao sa bansa.

--Ads--

Umaasa si Conde na tuluyan nang maisakatuparan ang hakbang na ito at magkaroon ng malinaw na desisyon upang pormal na maibalik ang bansa sa ICC.

Kapag nangyari ito, aniya, ay mas magiging katanggap-tanggap ang Pilipinas sa mata ng international community.

Dagdag pa niya, hindi naman maiiwasan ang bangayan sa pulitika, ngunit ang pagbabalik sa ICC ay isang hakbang na bunga rin ng lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang sektor.

Ibinabala rin ni Conde ang patuloy na pagkalat ng maling impormasyon at disinformation na aniya’y nakikita maging sa maliliit na usapin, kaya’t mahalaga ang pagiging mapanuri ng publiko sa mga isyung may kinalaman sa karapatang pantao.