DAGUPAN CITY – Kontraktwalisasyon pa rin ang malaking ugat sa pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ngayong 2024.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, nakaapekto dito ang seasonal employment noong nakarang Disyembre, partikular sa mga trabahong may kaugnay sa kapaskuhan, dahil panandalian lamang ang kontrata nito.
Mas may potensyal pa aniya ang trabahong pangproduksyon kaysa sa service sector na mapanatili ang disente, pangmatagalan, may tamang pasahod at benepisyo, at regular na trabaho para sa mga manggagawa.
Kabilang na dito ang pagiging in demand ng trabahong pang agrikultura ngunit ikinalulungkot lamang ni Cainglet ang kawalan ng job opportunities ng mga magsasaka dahil sa polisiya ng rice liberalization law at kakulangan sa suporta.
Nakitaan din niya ng potensyal ang green and climate jobs dahil nakakalikha ito ng mga bagong trabaho. Nauugnay din aniya dito ang posibleng pagtaas ng employment opportunities sa tourism sector dahil sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.
Samantala, malaking tulong ang pag-ankla sa industrialization ang pagsasaayos ng diskarte sa education and training at polisiya.
Dapat din aniya pagtuonan ng suporta ang mga industriyang maaaring paunlarin pa.