DAGUPAN CITY- Isang mahalagang kakbang para sa proseso ng kaso ang pag-remand ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Arman Hernando, isang abogado, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng remand o pagbabalik ng impeachment complaint para sa masusing pag-review ng kaso bago ito umusad sa susunod na yugto ng proseso.
Aniya, hindi agad-agad sisimulan ang impeachment proceedings hangga’t hindi nire-review ang mga napunang isyu sa complaint.
Hindi rin simpleng proseso ang ganitong kaso dahil nakabatay ito sa Saligang Batas, at hindi lamang sa mga karaniwang batas na ipinapasa ng Kongreso.
Inihayag din ng abogado ang umano’y kakulangan ng impartiality ng ilang senador na lumalahok sa proceedings.
Kapansin-pansin aniya ang kawalan ng neutrality ng ilan sa kanila.
Nanawagan din siya ng delikadesa mula sa mga opisyal ng pamahalaan upang igalang ang proseso at ipakita ang integridad ng batas.
Dagdag niya, kahit saan man tingnan, mas mainam na sundin ang tamang paraan ayon sa Saligang Batas upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan sa ating mga institusyon.