DAGUPAN CITY- Hindi maaaring magsampa ng kaso ang isang indibidwal na tinakbuhan ng kaniyang papakasalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joey Tamayo, Co-anchor sa Dura Lex Sed Lex, isang konsenswal na uri ng kontrata ang pagpapakasal at hindi mapipigilan ng korte ang isang tao na pirmahan ito o hindi pirmahan.
Aniya, kalayaan pa rin ng isang indibwal ang umatras sa kaniyang kasal.
Bagaman makakaranas ng psychological effect ang tinakbuhan ng papakasalan, ang magagawa lamang nito ay magpalakas ng damdamin laban sa kalungkutan o kahihiyan.
Aniya, makakasuhan lamang ang isang magpapakasal kung wala sa legal na edad ang papakasalan (kasong seduction) nito o may layuning pakikiapid lamang (kasong panloloko).
Kung ang kaso naman ay nagdulot ng pinsala sa isang panig ay maaaring singilin ito sa halagang nagastos.
Dagdag pa niya, pareho lamang din ang batayan sa civil at church wedding.










