BOMBO DAGUPAN – Mariing tinututulan ng National Federation of Sugar Workers ang plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag- angkat ng mahigit sa 240,000 MT ng refined sugar sa susunod na buwan.
Ayon kay John Milton Lozande, Secretary General, National Federation of Sugar Workers, wala na naman sa timing dahil darating ang aangkating asukal sa kalagitnaan ng Setyembre, dalawang linggo na lamang bago ang milling season sa Oktubre.
Giit ni Lozande, tatamaan ang maliliit na mga sugar farmers at lokal na producers ng asukal dahil tiyak hindi na naman maibebenta sa sapat na halaga ang kanilang ani dahil sa bulto-bultong imported na asukal na papasok sa bansa.
Mayroon din aniyang mahigit sa 700 metriko tonelada na buffer stock ng asukal hanggang July 21.
Kung hindi mapipigilan ang pag- angkat, hiniling ni Lozande na ibaba na lamang ang iaangkat sa 100,000 MT o mas mababa pa.
Duda silang minamadali ito dahil kumikita gobyerno at Sugar Regulatory Administration sa importasyon. Sa bawat 50 kilogram bag ay kumikita ang gobyerno ng P450 habang ang SRA ay kumikita ng P36 kada 50kilogram na bag.