Dagupan City – Umabot sa mahigit P406 milyong halaga ng pinsala ang naitala ng Department of Agriculture (DA) sa sektor ng agrikultura sa Rehiyon 1 dahil sa sunod-sunod na pag-ulan at kalamidad.

Ayon kay Vida Cacal, Spokesperson ng DA-Region 1, tinatayang 21,854 na mga magsasaka ang apektado sa buong rehiyon, na may kabuuang 50,582 ektarya ng mga taniman ang naapektuhan kasama na rito ang irigasyon, at mga sektor ng livestock at poultry.

Sa nasabing lawak ng lupang pansakahan, tinatayang 3,260 metric tons ng palay sana ang aanihin ng mga magsasaka na ngayon ay nalugi na dahil sa nagdaang masamang panahon.

--Ads--

Nilinaw ni Cacal na hindi pa kasama sa datos ang pinsala sa aquatic resources.

Bilang paghahanda naman, ibinahagi nito ang kanilang isinagawang hakbang gaya ng pagkakaroon ng buffer stock na nakahanda upang ipamahagi sa mga apektadong magsasaka.

Aabot sa P125 milyon ang pondong inilaan para sa mga fertilizer, high value crops, at gulay na agad nang maipapamahagi kung kakailanganin.

Gayunpaman, paalala ng ahensya na kinakailangang rehistrado sa RSBSA o Registry System for Basic Sectors in Agriculture ang mga magsasaka upang maging kwalipikado sa mga ayuda at interbensyon mula sa gobyerno.

Ang RSBSA ay opisyal na talaan ng mga lehitimong magsasaka, mangingisda, at manggagawang pang-agrikultura sa bansa.