Inaasahan matatanggap na ng mga lokal na magsasaka sa mga susunod na buwan ang tulong o ayuda mula sa gobyerno na nagkakahalagang P10 bilyon na epekto ng rice tariffication.
Una rito, naglaan ang pamahalaan ng pondo para sa rice competitiveness enhancement na may layuning matulungan ang mga magsasaka sa mekanismo at paglikha ng magandang binhi.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) inihayag nito na maraming magsasaka ang umaasang mabibigyan na ng nasabing ayuda sa lalong madaling panahon.
Aniya, halos lahat ng mga ito ay hinihintay ng maipatupad ang mga support measure na nakapaloob sa batas na pakikinabangan ng mga local farmer. Napag usapan na rin umano ito sa Committe on Agriculture kung kaya’t maging si So ay tiwalang maibibigay at maibabahagi na ang 10 bilyong halaga ng pondo sa mga magsasaka.
Kaugnay naman nito, pinasalamatan ni So si Senator-Elect Cynthia Villar na chairman ng Senate committee on agriculture dahil umano sa walang sawang pag sang-ayon nito sa mga government programs na nagpapahayag ng pangangailangan ng sektor ng agrikultura.