Mas lumaki ang outstanding external debt ng bansa ng 7.3% year on year noong 2025.

Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang foreign debt ay lumobo sa $147.651 billion sa pagtatapos ng 2025 mula $137.63 billion sa naunang taon.

Ang net valuation adjustments ay nagkakahalaga ng $1.34 billion, habang ang net acquisition ng Philippine debt securities ng non-residents ay pumalo sa $1.23 billion.

--Ads--

Ang kabuuang utang sa pagtatapos ng Disyembre ay mas mababa ng 0.97% kumpara sa record na $149.093 billion na naitala mula Hulyo hanggang Setyembre.

Ayon sa BSP, ang net availments ay nagkakahalaga ng $1.44 billion sa fourth quarter na pinahinahon ng net valuation adjustments sa naturang panahon.

Ang foreign debt ng bansa ay katumbas ng 30.3% ng gross domestic product (GDP) sa pagtatapos ng Disyembre, mas mababa sa 30.9% ratio sa pagtatapos ng Setyembre.

Ang public sector ay nanatiling pinakamalaking borrower, na bumubuo sa $94.87 billion ng external debt stock ng bansa, habang ang private sector ay may utang na $52.78 billion hanggang katapusan ng 2025.

Karamihan sa utang ng Pilipinas ay nagmula sa Japan na may $16.583 billion, sinundan ng China na may $4.9 billion, UK na may $4.003 billion, US na may $2.329 billion, France na may $2.31 billion at Germany na may $1.591 billion.