DAGUPAN CITY—Isang napakalaking hakbang para sa sangkatauhan ang matagumpay na pagbabalik sa daigdig ng Artemis II matapos ang makasaysayang misyon nito sa buwan—isang tagumpay na inilarawan ng NASA bilang simula ng “new era ng human space exploration.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Isidro Madamba, Bombo International News Correspondent sa USA, ibinahagi na ang matagumpay na pagbabalik ng Artemis II ay maituturing na napakalaking pag-unlad mula sa huling paglalakbay ng tao sa buwan noong 1972. Ipinapakita nito kung gaano kalayo na ang narating ng teknolohiya at determinasyon ng tao sa pagtuklas ng kalawakan.
Ayon kay Madamba, ang tagumpay ng misyon ay hindi lamang pagtatapos kundi simula ng mas malalaking hakbang. Kasunod na nitong isinusulong ang Artemis III mission—isang malinaw na indikasyon ng walang limitasyong potensyal ng eksplorasyon sa kalawakan para sa buong sangkatauhan.
Higit sa lahat, ang tagumpay umano na ito ay patunay ng walang limitasyong potensyal ng sangkatauhan at patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa marami na mangarap maging astronaut at tuklasin ang kalawakan.










