BOMBO DAGUPAN – Kasalukuyang nasa Sangguniang Panglungsod ng Dagupan para sa Committee Hearing ang ginawang ordinansa na nagbabawal sa aktibidad na Boss Ironman Motorcycle Challenge o iba pang karera ng mga motor sa mga kakalsadahan sa lungsod.

Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, ang ginawang ordinansa ay para sa kapakanan o kaligtasan din ng ilang manunuod sa mga ganitong aktibidad.

Matatandaan na may nabanggang isang lalaki na nanunuod lamang noong buwan ng Pebrero ngayong taon ang isang Rider na partisipante sa ganitong aktibidad sa Barangay Bonuan Boquig na dahilan ng pagkasawi nito kaya ito ang natulak sa kanila na magpasa ng ordinansa ukol dito.

--Ads--

Sa katunayan umano ay hindi sila pumapayag sa mga ganitong gawain pero dahil umano ang Pamahalaan Panlalawigan ang naghost sa kaganapan noong nakalipas na buwan ay sinuportahan nila ngunit ngayon dahil may nangyari nang hindi inaasahan ay hindi na sila papayag na may susunod pang aktibidad na gaya nito sa kanilang lungsod.

Pagbabahagi nito na pinatawag siya sa Kongreso ng Commitee on Transportation na pinangunahan ng Chairman nito na si Rep. Romeo M. Acop, kasama sina 1 Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita, Leyte Rep. Richard Gomez at iba pang kabilang dito upang pag-usapan ang naging epekto ng nasabing aktibidad na ikinasawi ng isa sa kanyang kababayan.

Binigyan diin din umano dito ang patungkol sa maayos na pagpapatupad ng mga Road Safety Measures sa buong bansa.

Samantala, naipadala na nila ang kopya ng nasabing ordinansa sa tatlong Congressman na nangangasiwa sa komite ng transportasyon na hindi na pumapayag ang Dagupan sa mga ganitong gawain sa kanilang kakalsadahan.