DAGUPAN CITY- Itinaas sa Orange Alert Level ang Paris dahil sa nararanasang rare snowstorm.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leo Brisenio, Bombo International News Correspondent sa Paris, France, aniya, polar cold ang nagbibigay ng matinding lamig at pagbagsak ng snow sa nasabing bansa.
Aniya, apektado nito ang transportasyon kung saan na nagiging limitado ang byahe ng mga ito dahil sa pinangangambahang black ice.
Ang black ice ay banta sa mga sasakyan dahil sa madulas na kalsada dulot ng pag-solid ng yelo.
Inabisuhan ang mga magmamaneho na bagalan lamang ang takbo ng kanilang sasakyan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Pinaalalahanan naman ng awtoridad ang mga paaralan na maging prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante.
Samantala, sinabi ni Brisenio na hindi ganitong katindi ang naranasan nila noong nakaraang taon.
Sa ngayon, umabot na sa -4 hanggang -6 degree celsius ang nararanasang temperatura.
‘Full Blast’ na rin aniya ang heater sa kanilang bahay upang labanan ang matinding lamig.










