Pumanaw na ang batikang Filipino folk singer na si Freddie Aguilar ngayong Martes, Mayo 27, 2025, sa edad na 72 sa Philippine Heart Center.
Kinumpirma ang kanyang pagpanaw ni Atty. George Briones ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), kung saan nagsilbi si Aguilar bilang national executive vice president.
Ipinanganak ito noong Pebrero 5, 1953, nagsimulang mag-compose ng kanta si Aguilar sa edad na 14, at kalauna’y naging street musician bago tuluyang sumikat sa mga folk clubs at bars.
Si Aguilar ay isa sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM) at kilala sa kanyang iconic na kantang “Anak”, na isinalin sa iba’t ibang wika at sumikat sa buong mundo. Isa rin sa mga naging simbolo ng protesta ang kanyang rendisyon ng “Bayan Ko,” na ginamit ng mga mamamayan noong EDSA People Power Revolution laban sa Martial Law noong 1986.
Matatandaang sumubok rin sa mundo ng pulitika si Aguilar bilang kandidato sa Senado, bagama’t hindi pinalad.