Dagupan City – Ipinatupad ng Lingayen Municipal Police Station ang Oplan Bandilyo sa Lingayen Public Market bilang bahagi ng kanilang hakbang upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa mataong pamilihan.

Sa pangunguna ni PLTCOL Junmar C. Gonzales, nagsagawa ng public address at direktang pakikipag-ugnayan ang mga pulis sa mga vendor at mamimili upang magbigay ng paalala hinggil sa kaligtasan.

Kabilang dito ang pag-iingat laban sa mga mandurukot sa pamamagitan ng maayos na pag-secure ng mga personal na gamit, gayundin ang pagiging mapanuri sa pagtanggap ng bayad upang maiwasan ang pekeng pera.

--Ads--

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagsunod sa tamang daloy ng trapiko at maayos na paradahan sa paligid ng pamilihan upang maiwasan ang pagsisikip.

Nagpaalala rin ang kapulisan ukol sa fire safety, lalo na sa tamang paggamit ng kuryente sa mga tindahan.

Layunin ng Oplan Bandilyo na mapigilan ang krimen at mabigyan ng kapanatagan ang mga mamimili at negosyante sa pamilihan, na isa sa mga sentro ng lokal na ekonomiya sa Lingayen.