DAGUPAN CITY – Nangako ng paghihiganti ang isang opisyal ng Houthi laban sa Israel matapos kumpirmahin ng grupo na isang Israeli air strike noong nakaraang linggo ang pumatay kay Ahmed al-Rahawi, ang punong ministro ng gobyernong pinamumunuan ng Houthi sa kabisera ng Yemen, ang Sanaa.
Ayon sa pahayag ng Houthis , si al-Rahawi ay napatay sa isang air strikekasama ang “ilang” iba pang mga ministro.
Ayon sa grupo, si al-Rahawi, na nagsilbing punong ministro sa mga lugar ng Yemen na kontrolado ng Houthis, ay tinarget kasama ng iba pang miyembro ng kanilang gobyerno habang dumadalo sa isang workshop.
Hindi tinukoy ng Houthis kung ilan pang ministro ang napatay sa pag-atakeng iyon ng Israel.
Ayon sa militar ng Israel, ang pag-atake sa Sanaa ay tumama sa isang target ng militar ng rehimeng terorista ng Houthi, sa gitna ng patuloy na tumitinding tensyon sa rehiyon kaugnay ng gera sa Gaza.
Paulit-ulit nang tinatarget ng Israel ang mga posisyon ng Houthi sa mga nakaraang buwan, kasunod ng mga pag-atake ng grupo sa Israel at mga barko sa Red Sea at Gulf of Aden — bilang suporta sa mga Palestino sa Gaza, ayon sa kanila.
Ayon sa grupo, hindi sila matitinag ng mga pag-atake ng Israel at ipagpapatuloy nila ang kanilang mga operasyong militar.