DAGUAPAN CITY- Hindi magpapatinag ang mga pamilyang nabiktima ng War on Drugs ng Administrasyong Duterte sa pagtulak ng kaso laban kay dating pangulo Rodrigo Duterte mula sa di umano pambubully ng mga pro-Duterte supporters.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Carlos Conde, Senior Researcher ng Human Rights Watch, nakababahala lamang na naaapektuhan ang seguridad ng mga ito ngayon nahaharap na ang dating pangulo sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC).
Aniya, maging ang Human Rights Watch ay nakatatanggap ng kaparehong reklamo at karamihan sa mga ito ay mga troll at online harassment.
Gayunpaman, isang ginhawa pa rin para sakanila ang hindi pa nakakapagtala ng anumang may pagbabanta sa buhay ng kahit sino man.
Kaya magandang bagay na nagkaroon agad ng aksyon ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa bagay na ito.
Nakakatakot din kase na umiiral ang ganitong uri ng pagkilos mula sa mga taga-suporta ni dating pangulong Duterte. Subalit, hindi na ito bago dahil simula pa noong 2016 ay ginagawa na nila ito. Kanila lamang inaasahan na mas titindi ito ngayong nahaharap sa isang kaso si Duterte.
Naniniwala si Conde na hindi nito mapipigilan ang mga biktima sa pagkamit ng hustisya dahil mas matindi pa rin ang kanilang naranasan noong ipinatupad ni Duterte ang drug wars.
Matagal din nilang hinintay at pinaghandaan ang pagkakataon para ipaglaban ang mga nasawing mahal sa buhay dulot ng ‘di makatarungang pagpaslang.
Samantala, giit ni Conde na pamumulitika lamang ang ginagawang pagdinig ni Sen. Imee Marcos hinggil sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte.
Aniya, ginagamit lamang ni Sen. Marcos ang plataporma niya bilang senador upang hindi mawalan ng mga taga-suporta mula sa mga Duterte lalo na’t nalalapit na ang Midterm Election.
At kung mag-iimbita man ang senadora ng mga biktima sa pagdinig ay mahihirapan lamang sila dahil umuusad na ang kaso ni Duterte sa ICC.